~Unang Insidente:
Pagkatapos namin kumain ni Tj sa Mc Do Robinson's Place Cainta, naglibot kami. Sale nun sa mall kaya super dami ng tao. Pero di naman katagalan 'yon mga 30 mins. lang naman sa pagkakatanda ko. May binili siya nun ako naman naglilibot lang habang hinihintay siyang matapos mamili.
Pagkatapos niya mamili balak pa sana namin manood ng sine kung di pa masyadong gagabihin. Siyempre dahil wala akong relo kaya cp (cellphone) ko ang nagsisilbing relo ko. Kukunin ko sana iyong cp sa side pocket ng bag ko pero di ko nakita roon. Hanggang sa talagang hindi ko na ito makita kahit hinalughog ko na ang buong bag na parang may mga silid ito. Wala talaga. Kaya sabi ko kay Tj umuwi na lang kami total para ano pa manonood kami ng sine eh iyon nga nawalan na ako ng cellphone. Pwede naman sana kaso sabi ko sa kanya titipirin ko na lang 'yong pera para makabili ako ng bagong cp kasi nga naiwala ko. Nawalan na rin ako nun ng gana manood. Imagine, 6PM pa lang nun ha. Maaga pa pero marami ng dukutan ang nangyayari sa mga oras na iyon. Aware naman ako sa mga dukutan ewan ko lang talaga bakit noong mga oras na iyon, di ako naging maingat.
Pagbaba namin sa jeep, 'eto naman ang nangyari. Napakaswerte ko nga naman talaga, nahulog na lang ng bigla iyong shoulder bag ko sa kalsada. Pagtingin ko, may laslas na pala 'yong hawakan nito. At ang tanga-tanga ko talaga, di ko 'yon napansin. Malamang doon pa lang sa jeep o doon sa mall, may lumalaslas na sa bag ko di ko pa naramdaman. Nawala na nga cellphone ko, nalaslasan din un bag ko.
Aral: Maging mapagmasid sa paligid at sa mga gamit. Hindi ibig sabihing nasa kaloob-looban ng bag mo iyong cp eh di na iyon mawawala. Lalo na kung matao ang lugar, lalong maging maingat. Iyong mga akala mong di mandurukot, iyong mga disente "raw" tingnan, eh sila pa nga ang mga mandurukot talaga.
~Pangalawang Insidente:
Nakasakay ako sa jeep at tulad ng nakagawian, tinitingnan ko oras sa cellphone ko. Ngayon naman, sa bulsa ng pantalon ko nakalagay ang cp. Cellphone ito ng mama ko. Ipinahiram niya sa akin kasi nga nawala iyong cellphone ko dvah? Mabilis ang mga pangyayari. Kawawala lang nung isang buwan tapos ngayon, mawawala na naman. Paano nawala? Nasa Ligaya, Marcos Hi-way na ang jeep na sinakyan ko nun. Dahil malapit na ako bumaba, gusto ko malaman ang oras. Mantakin nyo naman, paghugot ko sa bulsa ko, wala na ang cp ni Mama. Oh e di nawala na nga ng tuluyan iyong cp.
Imi-meet ko mga kabarkada ko nun sa Sta. Lucia, ang mall na katabi ng Robinson's Place. Sabi nga nila, ang mga mall ng mga mandurukot eh itong Sta. Lucia at Robinson's Place. Kung bakit kasi hindi pa ako nag-ingat ng husto eh ang dami na ngang nagpaalala sa akin nyan. Kahit naman yata saang mall maraming mandurukot eh nagkataon lang na sa area na ito, sa Cainta, dito ako nadukutan ng 2 beses. Pagdating ko sa Sta. Lucia, tinawagan ko iyong friend ko kasi nawala nga cellphone ko di ako makakatext. Ang tanga talaga ng cp este ako pala. Paano ba naman, dumulas ito sa bulsa ko kaya malamang, madali itong nakuha ng mandurukot.
Ano ba 'yon, di ko na naman naramdaman. Pambihira. Napakaswerte ko naman talaga. Magkasunod na buwan pa ako nawalan ng cellphone. Buti kung sa akin iyon eh, sa ermat ko iyon. Syempre, pinabayad sa akin ni Mama iyong cellphone nya. Nawalan na nga ako ng cellphone, nawalan din ako ng pera.
Aral: Huwag maging manhid at burara kagaya ko. Pwede ring huwag ilagay ang cellphone sa bulsa kasi madalas dumudulas ito lalo na kung iyong bulsa mo eh maliit at mababaw lang. Eh kung iyong bulsa nga na malaki at medyo malalim ang pagkagawa eh pwede ka pa madukutan nun eh. Mabuti pa lagyan mo ng chain iyong cellphone mo na konektado sa bulsa mo. Pero maging aware din baka naman masyado kang tiwala na nakakabit iyong cp mo sa chain pero iyong chain mo di na pala nakakabit sa bulsa mo. Tapos, pagtingin mo sa bulsa, wala iyong cp mo, natangay na.
No comments:
Post a Comment