Wednesday, May 4, 2011

Anong Pampawala Mo ng Stress???

Marami ako sagot sa tanong na 'yan pero ngayon wala yata eh. Ay, meron pala. Pampawala ko ng stress iyong blogging. Hindi man lahat ng stress nawawala pero kahit papaano nababawasan. Alam mo iyong feeling na sumasakit na ulo mo, puso mo o katawan mo sa kaiisip ng mga walang kakwenta-kwentang bagay? Pagkatapos minsan, nagkakasabay-sabay iyong mga problema hanggang sa mas gugustuhin ko na lang kumain. Kumain ng maraming tsokolate - nguyain o lunukin, ok sa akin iyon. Basta may tsokolateng dumaan sa lalamunan ko habang stressed ako eh napakalaking tulong sa akin nun. Dali na, padalhan nyo ko ng maraming tsokolate, sana mas maraming 'plain'. Hahaha! :)))

Kung malamig ang panahon, iinom ako ng mainit na inumin - kesyo mainit na sabaw, kape, tsaa o mainit na tubig. Ganoon ako pag inis pero malamig ang panahon. Umaasa akong kahit papaano eh lalamig ang pakiramdam ko dahil sa klima at iinit ng unti ang pakiramdam dahil sa mainit na inumin. Iyon bang tinatawag nilang comfort drink? Kung sa kanila ay beer, sa akin ang katumbas nun, mainit na inumin. Mahilig din ako sa beer pero iniinom ko iyon kapag masaya ako.

Kung mainit naman ang panahon, syempre gusto ko ng malamig na pagkain at inumin. Kakain ako ng ice cream o kaya iinom ng napakalamig na tubig - kulang na lang pati yelo gawin kong inumin. Ganon ako talaga klahit noon pang nasa sinapupunan ako ng mama ko. Paano ko nalaman? Sinabi ni Mama sa akin 'yon. Hahaha! Kahit man lang literal na lumamig pakiramdam ko eh malaking bagay na sa akin 'yong ganoon. Kaya lagi akong may ice sa freezer kasi kinakain ko 'yon. Kanya-kanyang trip lang 'yan para mawala ang inis, pagod, asar aka stress!

Isa pang ginagawa ko eh kinakausap at nilalaro ko si Whopper, iyong mongrel naming aso. Kinukunan ko siya ng picture. Dati sobrang likot nya ang hirap kunan pero ngayon, kapag kinukunan ko siya ng litrato nakaporma pa siya! Alam niya kung paano ang magandang pose at inilalapit nya pa mukha nya sa camera. Nakakatuwa kasi mukhang alam nya kung ano ang tinatawag na close up picture. Feeling nya photographer niya ako.

Kasalukuyang medyo masakit ang ulo ko pero di na ako masyadong inis. Nakakatulong din magsulat dahil outlet ko to sa maraming bagay lalo na kapag wala akong makausap na matino. Hindi naman pwedeng kausapin ko sarili ko diba? Ginawa ko iyon minsan sa tapat pa nga ng salamin pero epektibo naman kasi natawa ako sa sarili ko. Kung sa tingin mo baliw ako, subukan mo ring gawin, sigurado matatawa ka rin.

Ngayon, ikaw naman, share mo sa akin anong pampawala mo ng stress baka makatulong din sa akin iyon. :)))) Pasensya na, adik lang ang baliw eh. :))))

No comments: